article

BAKIT KAILANGAN MO NANG MAG-MOVE ON?

kailangan mo nang magmove on

 

Mahirap talagang iwanan at kalimutan ng taong mahalaga sa atin. Masakit. Pakiramdam mo trinaydor ka ng mundo at tinanggap mo lahat ng sakit. Ayaw mo nang matulog dahil ayaw mo na ding gumising. Hindi mo na kayang harapin ang bukas dahil sa mga nangyari sa kahapon.

Iniwan ka. Sinaktan ka. Pero kailangan mo na mag-move on. Mayroon kang sampung bagay na dapat malaman para maintindihan mo kung bakit kailangan mo na. Basahin mo at intindihin ang mga ito.

 

  1. INIDORONG HINDI BINUHUSAN

Kailangan mong mag-move on kung ayaw mong umalingasaw ang amoy mo tulad ng inidorong hindi binuhusan ng huling gumamit. Marami talagang ganyan. Magaling lang manggamit pero hindi naman marunong mag-alaga. Kaya maraming CR ngayon na ang babaho dahil hindi man lang binubuhusan nang mga taong manggagamit!

Huwag mong hayaang umalingasaw ang amoy mo dahil sa hindi mo pag-move on. Alam kong masakit ang pakiramdam pero kailangan mong maligo. Kailangan mong ayusin ang sarili mo dahil kapag lalo kang nalugmok, papangit ka nang papangit. Wala nang magkakagusto sa ‘yo. Lahat nang didikit sa ‘yo mandidiri, imbis na mabibighani sa artistahin mong mukha. Ligo-ligo din kapag may time! Wag kang humilata sa kama na parang walang bukas! Ang baho mo na. Kasing baho ng puso mong nabubulok dahil ayaw mong iwanan ang panis na nakaraan.

 

  1. BASAG NA PLATO

Oo! Nang iwanan ka niya, pakiramdam mo nabasag ka. Hindi mo na alam kung paano ulit maging masaya? Hindi mo na alam kung paano mabuhay mag-isa. Nagtatanong ka kung paano ulit bubuuin ang sarili mo dahil mahirap pagdikitdikitin ang mga bubog ng nabasag mong puso. Pero sigurado akong ayaw mong magaya sa basag na plato.

Kahit pa binili ka sa Rustans or kung saang mamahaling bilihan ng gamit sa kusina o kahit minana ka pa sa kanununuan nang angkan mo, kapag nabasag ka na, walang ibang dapat gawin sa iyo kundi itapon. Gaano ka man kamahal. Gaano ka man kaganda. Wala ka nang halaga dahil ang purpose mo ay wala na. Anong ginagawa sa mga basag na plato? Itinatapon sa basurahan. Sino pa ba ang mage-effort na bumili ng super glue at pagdikit-dikitin ka para magamit ka pa. Tulad nang iba pang nabasag na, ITATAPON KA DIN. Capslock para intense at pumasok sa isip mo. Kaya habang may panahon, buuin mo ang sarili mo. Hindi ka naman talagang nabasag, may crack ka lang siguro or gasgas. ‘Yang kakaiyak mo kapag mag-isa ka, lalo ka lang mawawasak niyan. Tumigil ka na!

 

  1. SINASAING NA KANIN NA INIWAN SA KALAN

Mahirap talagang maiwan. Naiintindihan ka ng kanin na sinasaing sa kalan na nakalimutan ng nagluluto. Siguro may pinapanuod na maganda ‘yung nagluluto. Siguro may katext. Siguro… Ayan ka na naman, puro ka siguro. Iniisip mo pa din kung bakit ka iniwan? Sa kaiisip mo ba nang dahilan kung bakit ka kinalimutan, maiiwasan mo ba ang pagkatutong mo? Hindi naman. May mga tanong na hindi mo kailanman malalaman ang sagot. Kung malaman mo naman ang sagot, lalo ka lang masasaktan.

‘Wag ka nang magtanong nang tungkol sa “bakit” tungkol sa kanya. Panahon na para kalimutan siya. Pwede ding kinakalimutan mo siya kaya kung saan-saan ka lumalaboy. Kung saan-saang beach ka lumalangoy at gusto mo na malunod. Okay lang ‘yan! Pero ‘wag mo kalimutang madala ng sun block. Mahirap na dahil sa gusto mong makalimutan ang pait ng kahapon, ikaw naman ang matutong! Kanin lang ang natutong. Maawa ka sa balat mo!

 

  1. BAHAY NA HINDI NAIKANDADO NANG UMALIS ANG MAY-ARI

Kaya marami ang mang-aagaw este magnanakaw dahil kinakalimutan nang may-ari na siguraduhing nakasara ang bahay nila pag-alis nila. Kapag iniwan tayo ng taong binigyan nating nang karapatang maging may-ari ng puso natin, pakiramdam natin para tayong ninakawan. Lahat ng bagay na mahalaga sa atin, parang tinangay nang wala tayong kalaban-laban. Wala nang natitira sa atin.

Kaya mag-iingat ka kapag iniwan ka, ‘wag naman masyadong bukas ang sarili mo sa lahat at kung sino-sino ka na lang pumapatol. Hindi solusyon sa sakit na nararamdaman mo ang humanap agad ng may magmamay-ari sa ‘yo. Huwag kang magpanakaw! Lalong-lalo nang huwag kang humanap ng rebound. Maawa ka sa sarili mo at maawa ka din sa iba. Ikaw ang biktima ditto kaya huwag kang mambiktima ng iba.

 

  1. ASSIGNMENT SA SCHOOL

MInsan bumabagsak ka or bumababa ang grade mo kapag hindi ka gumawa ng assignment. Mahirap talaga kapag hindi ka priority. Dapat naramdaman mo na ‘yon dati pa nung hindi siya sumusulpot sa mga date niyo. Sana napansin mo na ‘yan nung hindi niya palagi tintutupad ‘yung mga pangako niya. Puro sorry at isang malaking PAASA.  Kahit anong gawim mo, wala ka nang magagawa pa.

Ngayon alam mo na ang pakiramdam ng hindi inaayos! Mahirap kapag hindi binibigyan ng importansya! Mahirap kung hindi man lang mabigyan ng effort. Ngayon alam mo na. Patawarin mo na ang sarili mo at ihanda sa kung ano mang bago ang paparating. ‘Wag mo nang sayangin ang oras mo kakasisi sa sarili mo kung anong mali. Baka hindi naman ikaw ang mali. Hindi ka lang talaga inuuna kaya sa susunod na mamimili ka, mamili ka nang seseryosohin ka. Tanungin mo kung gumagawa sya ng assignment sa school? Para sigurado na. Ngayon alam mo na, kapag hindi ka priority.

 

  1. ALKANSYANG WALANG LAMAN

Aba! Lahat naman siguro nang tao, naisipang mag-ipon. Nauso pa nga yung mga coin bank na babasagin at kailangan mo munang mapuno bago mo makuha ‘yung laman kasi para makuha mo ‘yung laman, kailangan mong basagin ‘yung alkansya. Pero iba na ngayon. Karamihan peke na. Made in China! Plastic! Kaya minsan, hindi na nga nilalagyan ng laman. Ninakawan pa. Sinusungkit ‘yung mga barya hanggang sa masaid ka na. Mahirap talaga kung maubos ang lahat sa ‘yo kahit na ibinibigay mo na ang lahat-lahat! Mahirap kung sa una ka lang pinapalagahan pero sa huli, babalewalain ka lang pala. Ang sakit nga nun at naiintindihan kita.

Nung bago pa lang kayo, sabay kayong nangarap. Marami kayong gustong puntahan. Maraming gustong bilhin. Kainin. Gawin. Kaya naghahanda kayo at laging laman ito ng pag-uusap niyo. Pero anong nangyari? Iniwan ka niya sa ere? Paano na ang mga pangarap niyo? Ang mga pangako niya? Huwag ka nang umasa. Dahil kung patuloy kang aasa, baka ilagay ka lang sa cabinet at mamatay kang dilat ang mata sa kaasa sa taong bibigyan ka nang halaga. Panahon na para kalimutan siya! Aba!

 

  1. PASSWORD NA NAKALIMUTAN

May mga bagay talagang kahit na palagi mong ginagamit, makakalimutan mo. May isang beses na akong nakalimot ng pin code sa ATM card ko. May ilang beses na din akong nakalimot sa password na ginamit ko sa kung anu-ano mang pakulo sa INTERNET. Kaya kahit na gaano kaimportante ang isang bagay (at isang tao), hindi malayong makalimot ang sinuman.

Nagawa niyang kalimutan ka kahit na nakailang dates na kayo. Ilang years na nga ba kayo? Nagawa ka niyang kalimutan kahit na ikaw naman ang laging nageeffort sa inyong dalawa. Nagawa ka niyang kalimutan kahit na marami ka nang sinakripisyo sa kanya para patunayan kung gaano ka niya kamahal. Ang bottomline: KINALIMUTAN KA NIYA. Kung nagawa ka niyang kalimutan, kaya mo din siyang kalimutan! Oo! Masakit! Kaya nga kailangan mo nang kalimutan. Paano mo hihilumin ‘yang sugat mo kung patuloy mong hahawakan, babalikan, susungkitin. Lalo lang ‘yang hahapdi. Lagyan mo na ng band aid. Kailangan mo nang maghilom. Masyado ka nang nahihirapan! Kalimutan mo na s’ya!

 

  1. GAMOT NA KAILANGANG INUMIN

Kapag nagkasakit ka, hindi ba kailangan mo uminom ka ng gamot para gumaling. Sabi ng doctor, kapag umiinom ka ng antibiotic at pumalya ka, pwedeng hindi na tumalab sa ‘yo ang gamot. Mahirap kapag kinakalimutan ‘yung mga bagay na mahahalaga. NAKAKAMATAY! Mamatay ka talaga kung hindi ka kakain. Gabi-gabi ka na lang hunger strike. Wala kang gana? Dahil ano? Dahil hindi mo na sya kasabay kumain? Dahil hindi na siya ang nagluluto o bumibili ng pagkain mo? Hoy! Marami kang pwedeng kasabay kumain! Pwede mo sabayan kumain yang magulang mo! Pwede mo sabayan kumain ‘yang kapatid mo. Pwede naman maging hospitable ka paminsan-minsan. Imbitahin mo ‘yung kapit-bahay mo. Sabayan mo ‘yung aso mo! Gumawa ka nang paraan para kumain! Time na magcatching up sa mga kaibigang kinalimutan mo dahil ikinulong mo ang sarili mo sa mundo niyong dalawa. Kailangan mong kumain! Kailangan mong lumakas kung hindi uubusin lahat ng bulate ang bituka mo! Mawawala ka na sa mundo? Kaya mag-move on ka na!

 

  1. LUMANG BUWAN SA KALENDARYO

Past is past! Tandaan mo ‘yan. Sino bang baliw ang babalikan ang lumang buwan sa kalendaryo? Subukan mong idisplay ang February 1999 sa bahay  mo kung hindi ka ba naman taong tinubuan ng utak? Hindi mo na maibabalik pa ang kahapon? Hindi ka pwedeng manatili sa kahapon! Kailangan mong mabuhay sa NGAYON! Ang ngayon ang mahalaga.

Niloko ka niya kahapon? Pinagpalit ka niya kahapon? KAHAPON! Tapos na. Walang rewind button, walang replay sa buhay natin. Walang undo. Hindi mo na pwedeng ibalik ang nangyari na. Nangyari na ang nangyari. Huwag mo nang ipilit na babalik siya! Idelete mo na ang mga lumang pictures niyo. Itapon mo na ang laman ng kahapon. Ipamigay mo na lahat ng regalo niya sa iyo. Linisin mo na ang lahat ng kalat sa kwarto mo. Tama na! Palitan mo na ang DP mo. Palitan mo na ang lahat ng dapat palitan hanggang maghilom na ang lahat!

 

  1. BUBBLE GUM NA INILUWA

Kung hindi ka pa kumbinsido, isipin mo na lang ang bubble gum na itinapon sa kalsada. Dahil nawala na ang dating tamis, itinapon na lang kung saan. Dati naman okay ang lahat, sobrang sweet mo na nga sa kanya. Lahat ng okasyon, pinahalagahan mo. Ginawa mo siyang espesyal pero anong ginawa niya? Para kang bubble gum na dinura kung saan? At ano, hahayaan mong tapak-tapakan ka ng iba dahil ginagawa mong kaawa-awa ang sarili mo? Tama na ‘yan.

Kung ganun ang tingin mo sa sarili mo? Tingin mo ba, yung taong dumura sa bubble gum, pupulutin ‘yung tinapon niya at isusubo ulit? Kadiri. Pero isipin mo na lang na ikaw ‘yung dumura at ‘yung taong nanakit sa ‘yo ang bubble gum. Gusto mo pa bang kainin ang bagay na iniluwa mo na? Isipin mong mabuti.

 

Kung kulang pa ang mga dahilang ito, pwede mong tawagan ang mental hospital. Ibang tulong na ang kailangan mo. Pero alam kong alam mo ang dapat mong gawin at iyon ang gagawin mo. Mahalin mo ang sarili mo para pwede ka na ding mahalin ng iba.  Sa huli, pwede ka na ding magmahal.

 

Kailangan mo nang mag-move on dahil masarap magmahal at masarap mahalin.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s