article

Tiangge Experience

Dapat magkikita kami ng kaibigan ko sa Tiangge sa Taytay kanina kaso hindi natuloy. Hindi natuloy ang pagsama niya dapat sa ‘kin sa Taytay. Pero natuloy ako.

 

Pag-alis ko sa pinanggalingan ko, nagtext ako sa kanya na magkita kami sa KFC sa Tikling. Iniisip ko, mauuna siya darating dahil mas malapit naman siya don. Laking gulat ko na pagdating ko dun, wala pa siya.

 

Nagtaka ako. Lumingon-lingon ako sa paligid para hanapin ang pamilyar na mukha. Pero hindi ko siya nakita. Nag-antay pa ako ng ilang minuto para makita ko siya kaya lang hindi talaga siya dumating.

 

Pagkatapos ng ilang minuto, binalikan ko ang thread ng paguusap namin sa text. Naisip ko lang na hindi siya sumagot sa text ko na sa KFC kami magkikita. Tinaas ko ang conversation at nakita ko na sinabi pala niya na sa harapan ng Manila East kami magkita. Inisip ko, baka nga andun na siya dahil ilang minuto na, wala pa din siya sa KFC.

 

Pero hindi ko alam kung saan ang Club Manila East. Naglakad ako sa pila papuntang tricycle. Tinanggihan ako ng naunang tricycle kaya sa sumunod ako sumakay. Laking gulat ko na sinabi niya na 50 pesos daw. Nag-aalala na ako sa kaibigan ko dahil sabi niya hindi siya magdadala ng cellphone.

 

Ang problema ko hindi ko alam kung saan ang harap ng Manila East dahil hindi ko nga alam kung saan ang Manila East.

 

Pero ang pinakanagulat ako ay nang sa highway dumaan ang tricycle. Kung alam ko lang. Hanggang sa Manila East, sa highway dumaan ang sasakyan. Kaya naman pala ginto ang pamasahe. Pagdating ko sa Manila East, tinanong ko pa kung saan ang harapan ng Manila East at medyo nasagot naman ng tama ni Kuya. Kaya lang bente ang unang nadukot ko sa bag ko. Biglang sinabi niya na 60 daw ang pamasahe kaya naglabas ako ng 100 pesos. Sabi ko, grabe naman pala sa Taytay, mas mahal pala ang pamasahe kaysa sa Antipolo. Pero dahil nagalala na ako kung nasaan ang kaibigan ko, hinayaan ko na lang.

 

Naglakad ako sa bungad ng Tiangge pero hindi ko siya nakita. Pumunta ako sa arko pero wala din siya doon. Sabi ko, maglakad-lakad muna ako sa loob baka makita ko siya doon. Habang naglalakad ako, hindi siya mawala sa isip ko kaya nakailang pabalik-balik ako papuntang arko. Naisipan ko pa siyang itext dahil baka nakauwi na din siya pero hindi ko siya nakita. Wala din siyang sagot.

 

Habang iniisip ko kung paano ko siya makikita kahit na pumunta ako sa ospital, sa Mcdo, sa jollibee, at kung saan-saan pa. Pero dahil wala pa din akong makita, nagumpisa na akong mamili.

 

Aba teka. Ang mumura nga at nakakaengganyo. Pumulot ako ng mga pwedeng bilhin at bumili ako ng para sa akin at ng para sa mga kasama ko sa bahay.

 

Pagkatapos ng kalahating oras, wala pa rin ang kaibigan ko at wala na din akong pera.

 

Nang nadiskubre ko na wala na akong ipambibili, nakita ko na may text na siya. Aba! Nasa bahay na siya kaya tinawagan ko siya. Kung high blood lang ako, magagalit talaga ako sa kanya pero buti na lang nawili naman ako sa pamimili kahit mag-isa. First time ko sa tiangge sa Taytay at ang babait naman ng mga tindero’t tindera. Mura ang tinda at magaganda naman ang pagpipilian. Kaya okay na din.

 

Pag-uwi ko bumili pa ako ng tubig dahil sa sobrang uhaw at pagbalik ko ng Antipolo bayan, nagulat ako dahil brownout. Habang bumibili ako ng hopia sa Baker’s Fair, biglang nagblack out sa Victory Mall. Grabe talaga ang araw na ‘to. Paguwi ko pa, literal na sampung piso na lang ang natira sa pitaka ko.  Hahaha. Naalala ko ulit tuloy ‘yung 60 pesos na pamasahe sa tricycle. Pero sa halip na mainis, natawa na lang ako. Nakakapagod pero masaya naman.

 

Ganunpaman, may mga bagay pa rin akong natutunan sa araw na ito:

 

  1. Laging isipin ang kalagayan ng iyong kaibigan (haha)
  2. Maging pasensyoso sa mga pagkakataong susubukin ka ng tadhana
  3. Maging wais na mamimili (tumawad hanggang sa makakatawad)
  4. Makipag-small talk sa mga tindero’t tindera. (Nakakaaliw!)
  5. Sumakay ng jeep sa halip na tricycle
  6. Masayang pumunta sa lugar na hindi pamilyar (nakaka-exercise ng utak)
Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s