Akala ko malalagutan na ako ng hininga sa tapat ng computer. Mula alas otso ng umaga hanggang alas singko y media ng hapon nakaupo lang ako. Ihi lang ata ang pahinga ko.

Nilunod ako ng trabaho kahit Sabado.  Hindi ko na nga maalala kung anong oras umalis si Mylene. Humalik ba siya sa akin? Sumagot ba ako sa kaniya nang magpaalam siya? Hindi ko alam. Sadyang nakapokus ang buong atensiyon ko sa dinaluhan kong conference.

Ang alam ko sa mga oras na ito ay hindi pa rin siya sumasagot sa mga chat at text ko. Ang huli niyang mensahe sa akin ay nang bago pa ang magtanghalian. Nireklamo ko sa kaniya na naubos ang data ko dahil hindi ko naman alam na mawawalan ng internet. Gustuhin ko man magpakawala ng malulutong na mura, wala rin namang magagawa ito kung inutil ang service provider at puro kita lang ang prayoridad. Magaling maningil at magpaalala, kapag sila naman ang kakalembangin ay napakapalpak. Kapag ganito naman, ang hirap kontakin, ang bagal pa ng serbisyo. Bumalik naman pagkatapos ko mananghalian, pero nakapag-load na ako. Isang malaking sayang!

Bakit kaya hindi pa sumasagot si Mylene? Pagkatapos ng conference at pagkatapos kong magpakawala ng isang malalim na buntong-hininga, doon ko lang napansin na wala pa siya.  Nag-umpisa na akong magdsal. Hindi ko na maalala kung kailan ako huling nagdasal nang ganito pero ngayon wala akong magawa, inuna ko ang natatanging kaya ko. Pero parang hindi ako naririnig ng Diyos. Walang Mylene na sumagot sa mga text o chat ko. Walang Diyos na sumagot. Kahit sagot man lang na naririnig Niya ako.  

Habang pinapawisan na ako ng malamig, naramdaman ko ang tila malalaking daga sa dibdib ko. Ngayon ko lang ito naramdaman. Tinawagan ko ang cellphone niya pati Messenger. Parehas, walang sagot. Marami nang tumatakbo sa isip ko at lahat ng iyon ay hindi ko magawang pakalmahin. May nangyaring masama sa asawa ko. Huwag naman sana.

Pumunta siya sa Bible study. Yun ang paalam niya. Doon daw sila kina Ate Beth, ang chairperson ng simbahan mananaghalian.   Magluluto daw kasi silang mag-asawa ng samgyup. Sasama nga dapat ako kung hindi lang sa lintek na conference na ito.

Biniro ko nga e, “Bible study ba talaga ‘yan o kainan?” banggit ko habang nakatitig sa monitor. Naintindihan na ni Mylene na nakagapos man ang mata ko sa computer, ang isa sa dalawa kong tainga naman ay tumatakas para makinig sa kaniya. Hindi ko nasilayan kung ngumiti ba siya.

Hindi niya sinagot pero sigurado akong hindi siya natawa. Naniniwala naman ako sa Bible study siya pupunta. Hindi nagsisingungaling sa akin si Mylene at kung hindi man siya magsabi ng totoo, mahahalata ko. Hindi siya magaling magsingungaling. Wala naman sa checklist ko ng pagsisinugaling ang ikinilos niya nitong umaga.

May iba pa kaya siyang pinuntahan? Kung meron, sasabihin niya sa akin. Kung nasa peligro man ang buhay niya, magpaparamdam siya. Sana naman ay may sign.

            Sinadya kong abalahin ang sarili ko para takasan ang pag-aalala. Iginuhit ang kamay sa aking cellphone, ngunit tumabad ang isang babaeng natagpuang patay. Tumayo lahat ng balahibo ko. Hindi puwedeng si Mylene ito. Iniisip ko na kung paano sasabihin sa pamilya ng asawa ko na wala na siya. Magte-text ba ako o tatawag? Paano ang anak namin? Masasaktan si Mylene na lalaki si Nicole na walang ina. Ayaw ko munang isipin.

            Gusto kong sisihin ang mga tasa ng kapeng inabuso ko ngayong linggo at naging praning na praning ako. Puwede ring dahil ito sa mga pinagbabasa kong mga nobela tungkol sa mga krimen at mga pinapanuod ko sa Netflix. Puwede ba ‘yun mangyari sa totoong buhay? Sa bagay, maaring ang mga isinilang na kuwento sa sinapupunan ng mga manunulat ay inugat sa kani-kanilang sariling karanasan. Hindi pa ako handang mabiyudo.

            Binuksan ko ang masamang balitang maaring maglantad kay Mylene. Kawawa ang sinapit ng babae. Ginahasa na, pinatay pa. Pinugutan pa ng ulo. Pinaglaban ko sa isip ko na hindi iyon si Mylene. Napakagaling naman ng kriminal para maisakatuparan ang ganoong kasamaan. Hindi ko na binasa ang kabuuan ng makakita ako ng pangalan at kaunting detalye. Isang bagong guro. Ang pumaslang ay nobyo niyang pinilit siyang mag-check in sa motel. Dapat hindi na siya sumama.

            Ipinikit ko ang aking mga mata. Ipinahinga ng sandali, pero nalulupig ako ng aking imahinasiyon. Hindi man si Mylene ang biktima doon sa Facebook, posibleng mangyari sa kaniya iyon. Biglang nag-vibrate ang cellphone ko. Numero lang. Binuksan ko ang mensahe:

MALAS MO GINAWA KANG GUARANTOR NI AGATHA CASTRO HANGGAT DIKO NAKIKITA YUNG PAYMENT DITO ! NANGANGANIB ARAW ARAW BUHAY NIYO!! KAPAG WALA PA YANG PAYMENT UNTIL 7PM! IISAHIN KO KAYO PADUKOT!! KAYA MAGMASID MASID NA KAYO SA PALIGID NYO WALA AKO ITITIRA MISKI ISA SA INYO!! TANDAAN NYO SISIGURADUHIN MAGIGING BRUTAL ANG KAMATAYAN NYO.

Ngayon pa talaga may nagtext ng gantong scam. Paulit-ulit kong binasa. Dahil kaya rito kaya wala pa si Mylene? Inisip ko kung may kakilala ba akong Agatha Castro. Wala naman. Nagsearch ako sa Facebook. Nilagay ko ang pangalan. Nagulat ako. Kaibigan ni Mylene! Pumunta ako sa profile.

Halos ibato ko ang cellphone ko nang makita kong magkasama sila kaninang alas tres. Magkasama sila sa Bible study. Andoon ang samgyup! Naalala ko na hindi pala ako nagmerienda. Pati paginom ay tila tinalikuran ko na. Kumuha ako ng isang baso ng malamig na tubig at lumagkok nang kaunti. Kailangan kong kargahan ng sarili ng likidong papalit sa malalamig kong pawis. Hindi sapat ang mga kapeng nainom para labanan ang antok.

Tumunog na naman ang cellphone ko. May tumatawag. Unregistered number. Sino kaya ito? Si Mylene na kaya?

            “Hello! Hello!” ang una kong sagot na mga salitang parang hindi naayon sa aking pag-aalala.

            Hindi sumagot ang nasa kabilang linya. Malakas ang pakiramdam ko na si Mylene iyon o sinumang nakakaalam sa kalagayan ni Mylene.

            “Hello! Mylene?”

            “Sino ‘to? Anong nangyari kay Mylene? Anong ginawa mo sa asawa ko?” sabi ko sa sobrang pagkadersperado. Nawala ang nasa linya.

            Biglang may kumatok sa pinto. Kakaiba ang katok. Parang nagmamadali. Hindi ganoon kumatok si Mylene na madalas ay malumanay at malambing. May pag-aapura sa mga katok.

            Baka pulis na ito at ipagtatapat sa akin na nakita ang bangkay ni Mylene sa isang liblib na subdivision. Baka itatanong sa akin kung kilala ko ba ang chinap-chap na katawan sa sako. Teka, bakit ang bilis naman ng imbestigasiyon?

            “Mahal! Mahal!” sigaw ng pamilyar na boses. “Ihing-ihi na ako, bilis!”
            Si Mylene!

            Binuksan ko ang pinto. Buhay na buhay ang asawa ko!        

            “Katatapos lang ng conference?” tanong niya na parang wala namang nangyari. Napahinto ako sandal. Maliwanag pa sa labas.

            “Kanina pa. Anong oras na ba?” tumingin ako sa orasan sa pader. Nagulat ako dahil halos sampung minuto pa lang nang iwanan ko ang Zoom. Parang huminto ang oras.

            “Hindi na ako nakapag-text. Napasarap ang kuwentuhan namin. Sa second floor kami tumambay, naiwan ko yung phone ko sa baba. Nang magre-reply na ako bago umuwi, bigla naman nadedbat. Kumain ka na?” kuwento ni Mylene habang naghuhubad ng sapatos, pinupunan ang mga patlang sa saglit naming paghihiwalay.

            Katahimikan ang sumagot sa tanong niya.

            “Sige, magluluto ako pagkaligo ko,” habol niya habang naglalakad patungong banyo.

            Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Nagpakawala ako ng buntong hininga at sumunod sa mahal kong asawa.

Ang maikling kuwentong ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.

Sarangola: http://www.saranggola.org

CCP:    http://culturalcenter.gov.ph a

DMCI Homes:  http://dmcicorpsales.com

Facebook page:  https://www.facebook.com/SaranggolaPH

Facebook group: https://www.facebook.com/groups/287982881258287

Leave a comment

Trending